Okay lang na magkamali dahil doon matututo… CAPRICE, ‘di napi-pressure sa image na mabait at maayos na tao (ni: ROSE GARCIA)
- Published on June 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGUSTUHAN namin ang sagot ni Caprice Cayetano nang tanungin namin siya kung hindi ba siya napi-pressure na may image siya na napakabait, na napaka-ayos na tao, na parang bawal siyang magkamali.
Sey ni Caprice, “Hindi naman po at okay lang din po kung may mga mistakes kasi po, do’n naman po ako pwede pang matuto.”
Nagkaroon ng instant popularity si Caprice nang pumasok siya sa PBB. At since then, nagtuloy-tuloy na nga, kabilang na ang kauna-unahan niyang serye, ang romantic drama na “You’re My Favorite Songs.”
Bata pa lang ay nag-aartista na si Caprice, pero dream come true raw para sa kanya ang magkaroon ng serye na siya ang lead. At ang YMFS nga ang una niyang lead role.
Sabi namin kay Caprice, maraming mapapa-sana all sa kanya dahil tatlong nagguguwapuhang mga teen actors ang leading men niya.
Sina Marco Masa, Clifford at Heath Jornales. Siyempre, sa tatlo, given naman na sila ni Heath ang talagang may malaking following.
Ngayong Lunes, June 22, sa ganap na 4 pm ang pilot ng “You’re My Favorite Songs” sa GMA-7 before “Family Feud”.
***
KATULAD nang sinulat na namin, hindi kuryente dahil tuloy na tuloy na ang bagong serye ni Coco Martin na “Sigabo” na mapapanood sa TV5.
Simula nga sa Lunes, June 22, sa ganap na ika-walo ng gabi, kasabay sa ibang platform at networks, mapapanood na rin ang pagbabalik tambalan nina Coco at Julia Montes sa Kapatid network.
Magiging hudyat na kaya ito para muling mapanood ang mga ABS-CBN contents sa TV5?
At ‘eto na, simula rin naman sa June 29, weekdays ng 11:00 AM, mapapanood na rin sa iba’t-ibang platforms naman ng ABS-CBN ang “Face to Face with Ate Koring” ni Korina Sanchez.
Basta ang sure kami, personal na si Coco mismo ang nakipag-usap sa Kapatid network. At nagtagumpay naman siya.