Tama na pulitika unahin gutom, kahirapan ng Pinoy – Tulfo
- Published on June 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANANAWAGAN si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na magkaisa muli sa gitna ng mga nagaganap na hidwaang pampulitika.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat lampasan ng pamumuno ang usapin ng kulay at partido para matugunan ang mga problemang dulot ng krisis tulad ng gutom at healthcare access.
“Paano natin reresolbahin ang mataas na presyo ng mga bilihin at mababang kita? Hindi na ito usapin ng pagpanig sa kahit kanino dahil lahat tayo ay nakakaranas ng taas ng presyo ng bilihin,” ani Tulfo.
Anang mambabatas , “Ang Marcos loyalist, Duterte Supporters, at Leni followers ay pare-parehong nakakaranas ng problema sa bilihin, pagpapagamot, edukasyon, at iba pa.”
“Lahat tayo ay Pilipino. Iisa ang problema natin. Sa tingin ba natin ang mga taga-suporta ng isang partikular na grupo ay nakakabili ng mas murang bilihin? Hindi. Pare-pareho tayong bumibili ng pagkain, gasolina. Kaya kung lulubog ang bangka, lulubog tayong lahat,” dagdag pa ng Senador.
Dumaing din si Tulfo na sa panahon ng krisis, ang mga pinuno ng bansa ang dapat na nagbubuklod at hindi nagwawatak-watak sa mga Pilipino.
“Itigil na natin ang mga alitan na ito. Habang patuloy nating pinag-uusapan ang sitwasyong ito, lalo lang nating hinahati hindi lang ang Senado, kundi pati ang mga Pilipino,” giit niya.