5 pasaway, isinelda sa Valenzuela
- Published on June 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
BAGSAK sa selda ang limang katao kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa aktong naglalaro umano ng ilegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, alas-12 ng Miyerkules ng tanghali, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 8 sa Babina St., Brgy., Ugong, nang maaktuhan nila ang tatlong indibidwal na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’.
Nilapitan nila ang mga ito saka inaresto at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “John”, 32.
Nauna rito, bandang alas-8:30 ng Martes ng gabi nang maaresto naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki na nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Area 4, Pinalagad St., Brgy., Malinta.
Nasamsam sa kanila ang perang pantaya, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska sa 43-anyos na machine operator na si alyas “Ronald”.
Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)
News 2
Sekyu, huli sa aktong nagsa-shabu sa Valenzuela
KALABOSO ang isang security guard nang mahuli sa akto ng mga pulis na bumabatak umano ng shabu sa Valenzuela City, Huwebes ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Robert”, 45, residente ng Bocaue, Bulacan.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Police Sub-Station 2 sa M. Delos Reyes Compound, Brgy., Gen T De Leon nang maaktuhan nila ang suspek na sumisinghot umano ng shabu dakong alas-4:10 ng hapon.
Kaagad nila itong nilapitan saka inaresto at nakumpiska sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)