• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VIRAL SUV NA MAY MULTIPLE TRAFFIC VIOLATIONS INISYUHAN NG SCO NG LTO; SASAKYAN INALARMA, LISENSYA SUSPENDIDO 

MULING ipinakita ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang maagap nitong pagtugon sa mga insidenteng may kaugnay sa kaligtasan sa lansangan dahil naglabas ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang sasakyan matapos itong masangkot sa isang viral na video na nagpapakita ng umano’y iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.

Batay sa viral video na in-upload ng “Silinyador PH,” makikita ang isang sasakyan na umano’y nakagawa ng ilang paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang paglipat ng lane nang walang paggamit ng signal light, pagpasok at pananatili sa yellow box intersection, at hindi pagsunod sa traffic signal.

Kaya naman, inatasan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang may-ari at driver ng sasakyan na magsumite ng kanilang paliwanag at humarap sa itinakdang pagdinig upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.

“Ang mga ganitong insidente ay hindi katanggap-tanggap dahil delikado ito at naglalagay sa panganib sa mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada. Kaya’t agad kaming umaksyon upang maiwasan ang posibleng aksidente at mapanatili ang disiplina at kaligtasan sa kalsada,” ani Lacanilao.

Kasama sa mga posibleng paglabag na maaaring kaharapin ng driver ay ang Reckless Driving, Signals on Starting, Stopping, or Turning, at Disregarding Traffic Signs. Maaari rin siyang maharap sa pagsususpinde o pagbawi ng lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ipinag-utos ng LTO ang pansamantalang pagsuspinde sa lisensya ng sangkot na driver sa loob ng siyamnapung (90) araw bilang preventive suspension, at kinakailangan ang pagsasauli o pag-surrender ng lisensya. Isinailalim din sa alarm status ang sasakyan.

Binigyang-diin ng LTO na patuloy nitong mino-monitor ang mga ulat at reklamong nakakarating sa ahensya, kabilang ang mga insidenteng naibabahagi sa social media, upang matiyak ang pananagutan ng mga lumalabag sa batas-trapiko. Tiniyak din ahensya na mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga sangkot na maipaliwanag ang kanilang panig alinsunod sa isinagawang imbestigasyon.

 (PAUL JOHN REYES)