School zone, ‘wag gawing parking areas – MMDA
- Published on June 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPAALALA si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group–Strike Force (SOG-SF) Chief Gabriel Go sa publiko na ang mga school zones ay hindi parking areas.
Ang paalala ay ginawa ni Go sa kanyang pagdalo sa monthly “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes, kasunod na rin nang pagsisimula na rin ng pasukan sa bansa.
Kasabay nito, nagbabala rin si Go sa publiko na hindi kukunsintihin ng MMDA ang mga motorista na gagamitin bilang parking o waiting area ang bisinidad ng mga paaralan.
Hinikayat din ni Go ang mga school authorities na kaagad na isumbong sa MMDA, kung may lalabag sa nasabing patakaran. Maaari aniyang ipaabot sa kanila ang anumang reklamo, sa pamamagitan ng kanilang 24/7 hotline, 136 o sa Presidential Action Center 8888, gayundin sa Facebook page o Twitter account.
Tinukoy pa ni Go ang Republic Act 4136, na nagbabawal sa pagparada sa ilang lugar na maaaring magdulot ng abala, gaya ng mga hydrants, pedestrian crossings o mga street corners at iba pa.
“No parking zone ang paligid ng mga eskwelahan… di pupuwedeng me nakaparada. It’s actually a daily routine (clearing) na talagang pinaiigting po namin,” ani Go.
“Our way of addressing the “Balik-Eskwela” is to provide continous mobility ng mga sasakyan na dapat ginagamit ang kalsada para mapabilis ang biyahe… ang mga sidewalks ay dapat ginagamit ng mga estudyante at senior and anyone, as long as you’re a pedestrian…. not just sidewalk but safe sidewalk,” paliwanag ni Go.