• June 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Matapos ang malakas na paglindol: DBM, tiniyak na nananatiling available ang Quick Response Funds (QRFs) na pang-suporta sa response and relief operations sa Sarangani at kalapit-lugar

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na nananatiling available ang Quick Response Funds (QRFs) ng lahat ng QRF-assisted agencies at maaaring agad na gamitin para suportahan ang nagpapatuloy na disaster response and relief operations bunsod ng malakas na paglindol na nakaapekto sa Sarangani at kalapit-lugar.

Patuloy naman ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng DBM sa mga kinauukulang ahensiya at nakahanda na iproseso ang anumang request para sa QRF replenishment na maaaring isumite upang masiguro na magpapatuloy ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Para sa pagtugon sa malakas na pagyanig sa Sarangani, nananatiling available ang umiiral na QRF resources para sa agarang deployment ng mga concerned agencies, habang nananatili namang handa ang DBM para magbigay ng kinakailangang budgetary support kapag kinakailangan. 

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sapat ang pondo ng pamahalaan upang tugunan ang anumang pangangailangan ng mga mamamayan na apektado ng malakas na paglindol sa Kamindanawan.

Partikular na ani Castro ang quick response fund na maaaring magamit sa pagbibigay ng relief goods, pagpapatayo ng evacuation centers, pagsasagawa ng search, rescue, at retrieval operations at pagbibigay ng emergency medical assistance.

Ayon kay Castro na nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa mga concerned government agencies para umaksiyon sa pangangailangan ng ating mga kababayan na tinamaan ng malakas na pagyanig.

Kailangan aniyang tumugon dito ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa gitna ng pagtutok ng Pangulo sa sitwasyon sa Mindanao.

Samantala, wala pang itinakdang petsa kung kailan pupunta ang Pangulo sa naapektuhang lugar ng pagyanig na ayon kay Castro ay hindi talaga ginagawa ng Presidente lalo’t abala pa ang mga ahensiya sa kani- kanilang gawain upang matulungan ang mga biktima ng pagyanig. ( Daris Jose)