JOINT BUY-BUST OPERATION SA PASAY NAKATIMBOG NG ₱68-M HALAGA NG SHABU, 2 SUSPEK ARESTADO
- Published on June 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
MATAGUMPAY na naaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office–National Capital Region Northern District Office (PDEA RO-NCR NDO), sa pakikipagtulungan ng PDEA RO-NCR Southern District Office (SDO), Philippine National Police Drug Enforcement Group – Special Operation Unit NCR (PNP DEG SOU NCR), at Pasay City Police Station 1, ang dalawang suspek na nahulihan ng humigit-kumulang 10 kilo ng pinaghihinalaang Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱68-M sa isang buy-bust operation sa Pasay City.
Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-7:30 ng gabi noong Hunyo 6, 2026, sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard, Barangay 76, Pasay City.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala lamang sa kanilang mga alyas na “Ron,” isang 41-anyos at residente ng Barangay Santa Isabel, Dipolog City, at “Bai,” 32-anyos at residente ng Barangay Divisoria, Zamboanga City.
Narekober sa operasyon ang isang kulay abong foil pack na naglalaman ng humigit-kumulang 1,000 gramo ng pinaghihinalaang shabu, na siyang pinagbentahan at siyam pang kulay abong foil pack na naglalaman ng humigit-kumulang 9,000 gramo ng pinaghihinalaang shabu, kaya ang kabuuang dami ng nakumpiska ay nasa 10,000 gramo na tinatayang aabot sa halagang ₱68-M.
Nakumpiska rin ang tatlong identification card, dalawang Android mobile phone, perang ginamit bilang buy-bust money at isang sasakyan.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga nakumpiskang pinaghihinalaang ilegal na droga ay ipapadala sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination. (PAUL JOHN REYES)