• June 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bebot, isinelda sa sugal, droga sa Valenzuela

BALIK-SELDA ang isang bebot matapos makuhanan ng droga nang maaresto ng pulisya habang naglalaro umano ng illegal na sugal kasama ng isang lalaki sa Valenzuela City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Maricris”, 31, factory worker at residente ng Brgy. Bignay.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting District P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-11:20 ng gabi, nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 7 sa Casarival 4,6, Northville 1, Brgy., Bignay nang maaktuhan nila ang suspek kasama ang isang lalaki na naglalaro umano ng sugal na ‘lucky 9’.

Nilapitan sila ng mga pulis saka inaresto at nasamsam sa kanila ang bet money, baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay ‘Maricris’.

Ayon sa pulisya, dati ng nakulong si alyas Maricris dahil sa pagkakasangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga. 

(Richard Mesa)