Regional top most wanted person sa kasong rape, nalambat sa Caloocan
- Published on June 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng 61-anyos na lolo na wanted sa kaso ng panggagahasa sa isang menor-de-edad na biktima matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, ang akusado ay isang helper na residente ng Barangay 106, ng nasabing lungsod ay nakatala bilang No. 7 sa Top Ten Most Wanted Person sa Regional Level, No. 3 sa District Level, at No. 1 naman sa Station Level.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng pinagsamang mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section, Investigation and Detective Management Section, Warrant and Subpoena Section, Women and Children Protection Desk, Regional Intelligence Division, at NDIT-RIU NCR ang manhunt operation hanggang sa masukol ang akusado malapit sa kanyang tirahan.
Hindi nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga pulis sa bisa ng multiple warrants of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 130, Caloocan City, para sa dalawang bilang ng Rape, Acts of Lasciviousness, at Lascivious Conduct in relation to Section 5(b) of R.A. 7610.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Caloocan CPS habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Richard Mesa)