PAGPAPAPALAKAS NG SEKTOR NG PAGGAWA SA INTERNATIONAL COMMUNITY, IBINIDA NG DOLE
- Published on June 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKIISA ang Department of Labor and Employment sa ika-114 na International Labour Conference sa Geneva, Switzerland kung saan isinusulong ng Pilipinas ang mas matibay na proteksyon at kapakanan ng mga platform worker.
Ayon sa DOLE, kabilang sa mga pangunahing tatalakayin sa kumperensya ang disenteng trabaho sa platform economy, gender equality sa mundo ng paggawa, at pagpapalakas ng social dialogue at tripartism.
Sa pamumuno ni Labor Secretary Francis N. Tolentino, pinalalakas ng DOLE ang mga programa para sa mga platform worker kabilang ang pagtatatag ng dedicated hotline at pagpapalawak ng access sa legal assistance.
Sa pagpupulong, sinuportahan ng Pilipinas ang pagbuo ng isang international convention na may kasamang rekomendasyon upang magtakda ng malinaw na pamantayan para sa proteksyon ng mga manggagawa sa platform economy.
Isinusulong din ng bansa ang mas madaling access sa remedyo, social protection, transparency sa algorithmic management, at social dialogue para sa mga platform worker habang patuloy na nakikibahagi sa pagbuo ng balanseng pandaigdigang labor standards. (Gene Adsuara)