• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PAHAYAG NI MARCOLETA, KINONDENA NG NPC

KINONDENA ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hunyo 4, 2026, na nagbigay ng impresyon na ang mga miyembro ng media ay “bayaran.”

Ayon kay NPC President Leonel “Boying” Abasola ang ganitong malawak at walang sapat na batayang pag-uugnay sa buong hanay ng mamamahayag ay hindi lamang nakasasakit sa propesyon kundi nakapagpapahina rin sa mahalagang papel ng malaya at responsableng pamamahayag sa isang demokratikong lipunan.

Ayon pa kay Abasola, sana kinamusta man lang ang Senate Media.

Aniya, libu-libong mamamahayag sa bansa ang araw-araw na nagsasakripisyo upang maghatid ng tama, balanse, at makabuluhang impormasyon sa publiko, kadalasan ay nalalagay pa sa panganib ang kanilang kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Ang mga pahayag mula sa mga halal na opisyal, lalo na sa loob ng isang opisyal na pagdinig ng Senado, ay may bigat at impluwensiya sa pananaw ng publiko. Dahil dito, mahalagang maging responsable, makatotohanan, at patas ang mga ito upang hindi makalikha ng maling impresyon na maaaring magdulot ng higit pang pag-atake, paninira, o kawalan ng tiwala sa mga lehitimong institusyon ng media.

Naninindigan ang National Press Club of the Philippines sa pagtataguyod ng malayang pamamahayag, mataas na pamantayan ng propesyonalismo, at pananagutan sa hanay ng media.

Handa rin makibahagi ang NPC sa anumang makabuluhang talakayan ukol sa pagpapalakas ng etika at integridad sa pamamahayag, ngunit hindi maaaring palampasin ang mga pahayag na walang sapat na ebidensiya at naglalagay sa buong industriya sa isang negatibong pagtingin.

Nanawagan din ang NPC sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na igalang ang mahalagang tungkulin ng media bilang tagapaghatid ng impormasyon at bantay ng demokrasya. Ang pagpuna ay bahagi ng isang malayang lipunan, ngunit ito ay dapat nakabatay sa katotohanan at hindi sa mga pangkalahatang akusasyon. 

(GENE ADSUARA)