Mister, arestado sa drug bust sa Valenzuela
- Published on June 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang mister na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang suspek na si alyas “Ronald”, 52, residente ng Brgy. Karuhatan.
Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang natanggap na ulat hinggil sa pagkakasangkot umano nito sa pagbebenta ng illegal na droga.
Nang tanggapin umano ng suspek ang P8,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba dakong alas-3:45 ng madaling araw sa Sugar St., Brgy. Karuhatan.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill kasama ang walong pirasong P1,000 boodle money, coin purse at P200 cash.
Ani P/MSgt. Ana Liza Antonio, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
(Richard Mesa)