Gilas Pilipinas Women, dumanas ng back-to-back loss sa FIBA 3×3 Women’s World Cup
- Published on June 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
DUMANAS ng back-to-back loss ang Gilas Pilipinas Women sa FIBA 3×3 Women’s World Cup.
Unang nabigo ang Philippine team sa kamay ng Latvia, 11-14 sa opening game ng Pool C ng naturang torneyo.
Nagawa pa ng team na magbulsa ng 5-2 advantage sa unang bahagi ng laban ngunit bumawi ang Latvian team sa pamamagitan ng isang dominanteng 12-1 run.
Muli namang gumanti ang Gilas at naibaba ang kalamangan sa 13-10 ngunit sa huli ay kinulang pa rin ang comeback effort ng koponan.
Sa sumunod na laban ng Gilas Women, nabigo rin ito sa bigating Team Germany, 10-22.
Dinomina ng No. 6 seed ang Gilas at hindi binigyan ang PH team ng anumang pagkakataon para makabawi.
Bukas (June 3) ay haharapin ng PH team ang China at Italy sa nagpapatuloy na elimination games. Sa ngayon ay hawak nito ang pinakamababang puwesto sa Pool C dahil sa dalawang magkasunod na pagkatalo.
Unang nakakuha ng FIBA 3×3 Women’s World Cup ticket ang Pilipinas matapos nitong itumba ang Team Singapore sa qualifiers.