Lino Cayetano, itinalaga bilang bagong PTV-4 GM
- Published on June 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
INANUNSYO ng Malakanyang na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang film at television director at dating Taguig City Mayor na si Lino Cayetano bilang bagong general manager ng state-run People’s Television Network o PTV-4.
Tinukoy ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez ang “rare wealth of experience from the media, the private, and the public sector” ni Cayetano na aniya’y makatutulong para mas maiangat ang PTV 4 sa larangan ng multimedia.
Si Cayetano, may-ari ng Rein Entertainment, nagsilbi bilang Alkalde ng Taguig mula 2019 hanggang 2022 at Taguig City 2nd District representative mula 2013 hanggang 2016. Kapatid siya ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Ang PTV-4 ay kasalukuyang pinamumunuan sa acting capacity ni Malou Choa-Fagar, na nagsilbi bilang acting general manager simula pa noong August 2025.
Pinasalamatan naman ni Gomez si Fagar sa pamumuno sa state-run television network.
“I would also like to extend my profound gratitude to GM Fagar for her service to the station and the nation,” ani Gomez.
Ang PTV-4, itinatag noong 1974, ay isang state-operated television network ng gobyerno sa ilalim ng pangangasiwa ng PCO. (DARIS JOSE)