PBBM, pinangunahan ang kick-off ng Brigada Eskwela sa Navotas
- Published on June 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
PERSONAL na bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama sina DepEd Secretary Sonny Angara at Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa Kapitbahayan Elementary School sa lungsod para pangunahan ang kick-off ng Brigada Eskwela 2026.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng Brigada Eskwela bilang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, mga guro, magulang, at mga volunteer upang matiyak na handa ang mga paaralan bago ang pasukan sa eskwela.
Ininspeksyon din niya ang mga CCTV units na inilagay sa paaralan noong Abril 2026 upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro, at maiwasan ang vandalism at iba pang banta sa seguridad.
Nagpasalamat naman si Mayor Tiangco sa Pangulo sa pagdalaw nito sa lungsod, bilang pakikiisa sa bayanihan sa paaralan, at paglaan ng oras para magbasa ng kwento at magbigay-saya sa mga batang mag-aral.
“Bukod sa paghahanda sa pasukan, alam nating memorable experience para sa mga batang Navoteño ang makasama at makausap siya,” dagdag niya.
Kasunod nito, binisita din ni Pangulong Marcos, kasama si DSWD Sec. Rex Gatchalian ang mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center sa Phase 1C, Multipurpose Hall, Brgy., NBBS Kaunlaran, na naapektuhan ng sunog sa Brgy. NBBS Proper noong Enero 2026 para kamustahin at bigyan ng food packs, hygiene kits, at tulong pinansyal upang matugunan ang kanilang pangangailangan habang nagsisimula silang makabangon.
Pinasalamatan din ni Tiangco si DepEd Sec. Angara, DSWD Sec. Gatchalian para sa Tara, Basa! at kay DOLE Sec. Francis Tolentino sa paglalagay ng TUPAD workers na tumutulong sa paglinis at pag-aayos ng paaralan.
(Richard Mesa)