Tugon ng kampo ni VP Sara ukol sa impeachment complaints, umani ng batikos
- Published on June 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMANI ng pagbatikos mula sa ilang mambabatas ang naging tugon ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment complaints laban sa kanya na nasa senado.
Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, binobola lang umano ng kampo ni VP Sara ang taumbayan noong sinabi nilang sa Senado sila sasagot.
“Pareho lang sila ni Bato, takot harapin ang pananagutan. Palibhasa takot mabuko,” pahayag ni Cendaña.
Tanong naman ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, “kung walang itinatago, bakit ayaw ng trial?
Malinaw aniya sa Konstitusyon na ang Senado ang may solong kapangyarihan na dinggin at desisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.
“Ibig sabihin, hindi puwedeng hatol muna bago trial. Kung nais malaman ang katotohanan, dapat munang marinig ang mga testigo at masuri ang lahat ng ebidensya sa isang bukas at patas na pagdinig.
Sundin ang Konstitusyon. Sundin ang due process. Walang special treatment sa mata ng batas,” anang mambabatas.
Pahayag naman ni House impeachment spokesperson at Kabataan Rep. Atty. Renee Co na inilalayo umano ng vp ang usapin.
“Una sa lahat, hindi nilitis si VP Sara sa House. Gaya ng pagkakaiba sa pagharap sa piskal at korte, magkaiba ang trial sa probable cause hearings. Hindi puwedeng isantabi na lang ang ebidensya nang hindi pinapasadahan ito. Kung may sagot sila sa ebidensya, iharap nila sa paglilitis. It is her Constitutional duty to see the process through. The people want and deserve accountability. Gusto na nilang matuloy ang hearing na ito at malaman kung totoo ang mga alegasyon. Hindi uubra na sabihin niya sa Senado na huwag nang mag-trial at dismiss na agad ang kaso,” ani Co.
Pinaalalahanan naman ng mambabatas ang publiko na patuloy na maging mapagbantay.
Nitong Lunes (Hunyo 1), pormal nang naghain ang kampo ni VP Sara ng kaniyang sagot sa Senado bago ang itinakdang deadline.
(Vina de Guzman)