• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO CHIEF, AGARANG IPINAG-UTOS ANG PAGPAPALABAS NG SUBPOENA LABAN SA MOTOVLOGGER NA GUMAWA NG PEKENG SCO PARA SA CONTENT

IPINAG-UTOS ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang agarang pag-isyu ng subpoena laban sa isang motorcycle vlogger na umano’y gumawa ng Show Cause Order (SCO) ng ahensiya na walang pahintulot at maaaring magbigay ng maling impresyon na ito ay isang opisyal na kautusan ng LTO.

Batay sa impormasyon na natanggap ng LTO, isang viral post sa Facebook page na “Luciver” ang naglalaman ng isang umano’y SCO at iba pang kaugnay na nilalaman na nagmumukhang opisyal na inilabas ng ahensiya. Dahil dito, agad na nagsagawa ng kaukulang aksyon ang LTO upang beripikahin ang pangyayari at tiyaking mapangalagaan ang integridad ng mga opisyal na dokumento at proseso ng ahensiya.

Sa inilabas na subpoena, inaatasan ang naturang vlogger na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office para sa isang clarificatory conference upang magpaliwanag kaugnay ng nasabing post.

Ayon kay Assistant Secretary Lacanilao, mahalagang mapanagot ang sinumang mapapatunayang gumagamit o nagpapakalat ng mga dokumentong maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko at makasira sa kredibilidad ng mga opisyal na proseso ng gobyerno.

“Ang paggawa o pagpapakalat ng pekeng dokumento na nagpapanggap na opisyal na inilabas ng LTO ay isang seryosong usapin. Hindi natin hinahayaang magamit ang pangalan at awtoridad ng ahensya para sa pansariling interes o para lamang sa content. Hindi kukunsintihin ng LTO ang anumang gawain na nagdudulot ng kalituhan o maling impormasyon sa publiko. Mahalaga na mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga dokumento at proseso ng ating ahensiya,” pahayag ni Lacanilao.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng LTO ang publiko na tiyaking mula lamang sa mga opisyal na plataporma at tanggapan ng ahensiya ang kanilang pagbabatayan ng impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita at mga mapanlinlang na nilalaman. (PAUL JOHN REYES