Quezon City, host ng Palarong Pambansa 2027
- Published on June 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
OPISYAL nang host ng 67th Palarong Pambansa 2027 ang Quezon City makaraang tanggapin ni Mayor Joy Belmonte ang hosting responsibilities mula kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. sa ginanap na ceremonial turnover sa pagtatapos ng 2026 Palarong Pambansa.
Ayon kay Belmonte, makasaysayan ito sa lungsod para sa muling pagho-host ng Palarong Pambansa, na aniya’y sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng Quezon City sa larangan ng palakasan.
Kasabay aniya ito ng pagbubukas ng Amoranto Stadium. Naging host ang lungsod noong 1966.
Sinabi ng alkalde na layunin ng lungsod na mabigyan ang bawat student-athlete ng isang “champion’s experience” na karapat-dapat sa pangunahing pambansang sporting event ng bansa at nagpapakita ng kultura ng kahusayan ng lungsod.
Nanawagan naman ang alkalde sa QCitizens na makiisa sa paghahanda at pagsalubong sa libu-libong atleta, coach, at delegado na inaasahang dadalo sa Palarong Pambansa sa Mayo 2027.
Dumalo rin sa turnover ceremony sina Department of Education Secretary Sonny Angara at Undersecretary Malcolm Garma.
Bilang hudyat ng pagiging susunod na host city, pinailawan ng LGU ang pylon ng Quezon Memorial Circle ng kulay pula at inilawan din ang harapan ng Executive Building ng City Hall ng mensaheng “Palarong Pambansa 2027.”