• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kapalit ng pagbasura sa kanyang mga kaso…Malakanyang, pinalagan ang pahayag ni Sen. Jinggoy na inalok siyang lumipat sa minority block 

PINALAGAN ng Malakanyang ang pinalutang ni Senador Jinggoy Estrada na ilang beses siyang inalok na lumipat sa minority block kapalit ng pagbabasura sa kaniyang mga kaso gaya ng kasong graft o katiwalian, na isinampa laban sa kaniya dahil sa pagkakasangkot di umano sa anomalya sa flood control projects.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa kanyang pagkakaalam ay noong nakaraang taon pa nagkaroon ng imbestigasyon sa mga kasong kinasasangkutan ni Estrada kung saan ang pangalan ng senador ay nababanggit, hindi lamang sa pag-imbestiga sa Senado kundi maging sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Bukod dito ay pinatawag din aniya si Estrada sa Commission for Infrastructure (ICI) at ang pangalan din aniya ni Estrada ay nabanggit sa partial report ni Senador Panfilo Lacson.

“Kaya hindi po masasabi na ito ay may patungkol sa pag-form ng majority na binubuo ng 13. So, hindi naman po masasabi na ang kaso ay dapat na ma-dismiss lang dahil lang sa pagpunta niya o paglipat niya sa minority,” anito.

“So, it would be unfair to all Filipino people kung ganyan ang magiging dahilan para hindi i-pursue yung kaso kung saan di umano siya ay involved sa flood control mess,” dagdag na wika ni Castro. ( DARIS JOSE)

NEWS 1

Boluntaryong pagsuko sa CIDG, magandang ginawa ni Sen.Jinggoy – Malakanyang 

PARA sa Malakanyang maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy Estrada na boluntaryong pagsuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) base sa warrant of arrest na ipinalabas ng Sandiganbayan 5th Division sa kasong plunder kaugnay ng flood control projects.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy na boluntaryong pagsuko dahil hindi na nya pinahirapan pa ang mga tagapagpatupad ng batas.

“Maganda ang ginawa ni Senador Jinggoy na siya ay boluntaryong sumuko. Hindi na niya pinahrapan ng mga law enforcers , hindi tulad ng nangyayari ngayon kay Senator Bato. Iyan po ang dapat na ginagawa ng isang tao, alam niya po na may valid warrant of arrest” aniya pa rin.

Nauna rito, pasado alas-tres ng hapon, araw ng Lunes, Hunyo 1, dumating ang court server ng Sandiganbayan kasama ang ilang pulisya na diretsong nagtungo sa tanggapan ni Estrada sa Senado upang isilbi ang warrant of arrest.

Hindi pumalag si Estrada at kusang tinanggap ang warrant of arrest saka nagsagawa ng press conference hinggil sa pagdakip. (DARIS JOSE)