Tax relief para sa mga low at lower middle income earners, isinusulong
- Published on May 29, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISINUSULONG ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang panukalang magbibigay tulong para mapagaan ang bigat na dinaranas ng mga low- and lower-middle-income earners sa pamamagitan ng pagtaas sa income tax exemption ceiling para sa individual taxpayers.
Sa ilalim ng House Bill No. 9172, na kaakibat sa Senate Bill No. 267 na inihain ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, aamyendahan ang Section 24(A)(2)(a) at (b) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Sa panukala, itataas mula sa
P250,000 sa P480,000 kada taon ang tax exemptions.
“Ensuring that tax systems remain equitable, efficient, and responsive to inflation is essential to balancing revenue generation with the protection of taxpayers’ real income and purchasing power,” ani De Lima.
Sinabi ng mambabatas na sa mahal ng gasolina, kuryente, tubig, at ng mga bilihin, isama pa ang iba pang kakaltasing kontribusyon sa gobyerno, wala nang natitira o kulang na kulang ang suweldong natatanggap ng maraming kababayan.
Aniya, ilang araw pa lang ang lumipas pagkasweldo ay petsa de peligro na agad.
“Paano pa kung may krisis na, o kung may magkasakit sa pamilya? One way to lessen the economic challenges confronting many of our countrymen is to implement reforms in income tax exemption that will increase their take-home pay or disposable income,” dagdag nito.
Sa ilalim ng kasalukuyang income tax system sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang mga indibidwal na kumikita ng ₱250,000.00 kada taon ay exempted mula sa personal income tax.
Subalit, sa sandaling lumagpas ang kita sa itinakdang threshold, ipapataw ang isang progressive tax structure sa rates mula 15% sa 35%.
Bunsod nito, ang anuman dagdag sa kita o income ay nangangahulugan ng mas mataas na buwis.
Sinabi ni De Lima na kailangan ding magsagawa ng periodic review at resonableng adjustment ng tax policies, lalo na sa patuloy na pagtaas sa inflation.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang overall inflation ay tumaas sa 7.2% nitong Abril 2026 mula 4.1% noong Marso 2026, na pinakamataas na inflation rate sa loob ng tatlong taon.
“We understand that taxes are a source of funding for critical public services such as education, healthcare, and public safety. Pero kung pigang-piga na ang binubuwisan tulad ng ating mga middle class na nagkakandakuba na sa pagbabanat ng buto pero nababaon pa rin sa hirap at utang, dapat agarang kumilos ang gobyerno para pagaanin ang kanilang pasanin,” pagtatapos ni De Lima. (Vina de Guzman)