• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Walang ‘force majeure’ para bigyang katwiran ang online voting sa Senado- Malakanyang

WALANG kalamidad o anumang “force majeure” para bigyang-katwiran ang pagbabago sa Senate rules pagdating sa botohan.

Tugon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin ukol sa nangyaring pag-walkout ng Senate minority, Martes ng gabi bilang pagprotesta sa mosyon na payagan ang mga senador na sumali sa sesyon ‘remotely’ sa ilalim ng “justifiable circumstances.”

“Dati naman ay napayagan ang online voting, mga Zoom meeting, dahil mayroong, mayroon tayong kalamidad na hinaharap noon. At sa pagkakataong ito, ay wala naman tayong masasabi na anumang force majeure, calamity, na mag-justify ng mga online voting,” ayon kay Castro.

Gayunman, nilinaw ni Castro na wala ito sa mandato ng Pangulo at hindi ito kailanman makikialam sa desisyon ng Senado.

“Wala sa pagpapasya ng administrasyon, wala sa pagpapasya ng Pangulo. At dapat din siguro malaman nila na mahirap magkaroon ng online voting kung wala ang tao mismo sa mga pagpupulong at pagkakaroon ng diskusyon,” ang winika ni Castro.

Sa kabilang dako, naniniwala naman si Castro na ang pagkilos na baguhin ang rules ng Senado ay nagpapakita ng interest ng mga mambabatas.

“Ito ang magandang pagkakataon para malaman natin lahat kung ang mga liderato ba at mga leaders na ito ay nagtatrabaho para sa bayan o para sa pansarili o pang-ilan naman,” ang pahayag ni Castro sabay sabing “Kagaya nga ng sinabi ni Heneral Luna, bayan o sarili, mamili ka.” (DARIS JOSE)