ICC warrants, maaaring ipatupad agad- Malakanyang
- Published on May 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINABI ng Malakanyang na maaaring agad na ipatupad sa Pilipinas ang ipinalabas na arrest warrants ng International Criminal Court (ICC) kahit pa walang pag-apruba mula sa lokal na korte.
Binigyang diin ng administrasyong Marcos na ito’y nananatiling ginagabayan ng batas at due process.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang posisyon ng gobyerno sa ICC warrants ay nilinaw na ng Department of Justice (DOJ).
“Nagsalita ang DOJ na ngayon, pinapa-effect ang warrant of arrest mula sa ICC. So, tingin ko, maliwanag naman kung ano yung stance ng Pangulo dito, ng gobyerno,” ang sinabi ni Castro.
Pinanindigan naman ni Castro na ang ICC warrants ay hindi na kailangan na dumaan pa sa korte ng Pilipinas bago pa ipatupad, tinukoy ang Republic Act No. 9851, o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity, at legal an opinyon na naunang sinabi ni Solicitor General Darlene Berberabe.
“Hindi kailangan dumaan sa local court. Meron tayong RA 9851. Nakasaad doon kung ano ang opsyon ng pagtugon ng gobyerno,” ang winika ni Castro.
“At international court, ang pinag-uusapan natin dito, hindi isang requesting state,” aniya pa rin.
Binigyang diin ni Castro na naniniwala ang gobyerno na hindi paglabag sa anumang batas ng Pilipinas ang pagpapatupad ng ICC warrants.
At nang tanungin kung ang mga susunod na ICC warrants laban sa ibang personalidad na iniuugnay sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay agad din bang ipatutupad, ang tugon ni Castro ay “Yes, oo. Ganun pa rin.”
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na inatasan na ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga law enforcement agencies na ipatupad ang warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kasundo nang ginawang pagtanggi ng Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order.
“Yung instruction… sinabi ni [Justice] Secretary [Fredderick] Vida na i-effect ang warrant of arrest. So, lahat po ng law enforcers na may authority na mang aresto kay Sen. Bato, yun po yung gagawin,” ang tinuran ni Castro.
Gayunman, hindi pa aniya nakatatanggap ang Malakanyang ng impormasyon kaugnay sa posibleng bagong ICC warrants laban sa ibang personalidad.
“Sa ngayon, wala pang ibinababa sa atin na impormasyon kung meron ganyan,” anito.
“Pero, hindi ito kataka-taka kung meron man. Dahil marami pang co-perpetrators na nabanggit ang ICC,” dagdag na pahayag ni Castro.
Aniya pa, dapat na maintindihan ng mga personalidad na dawit sa drug war ang kahulugan ng arrest warrants at boluntaryong sumuko.
“Kung meron dyan warrant of arrest at wala naman sinasabing na TRO mula sa Supreme Court, dapat sila mismo ang sumuko, for me,” ang sinabi ni Castro.
“Dati kayo nag-e-enforce eh. Kayo yung dati nagpapatupad ng warrant of arrest,” aniya pa rin.
Samantala, nananatili namang nakatuon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin na masusunod ang batas at tamang legal na proseso sa usaping ito.
“Ang gusto ng Pangulo, masunod ang batas, masunod ang tamang proseso,” diing pahayag ni Castro. (Daris Jose)