Gatchalian bet ng ‘Solid Bloc 11’ maging SP
- Published on May 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA GITNA ng mga usapin tungkol sa panibagong kudeta sa liderato ng Senado, nais ng Senate minority bloc na si Sen. Sherwin Gatchalian ang maging Senate President.
Sinabi ni Sen. Kiko Pangilinan na ang kanilang grupo na tinawag nilang “Solid Bloc 11” ay isinusulong si Gatchalian bilang bagong Senate President.
Ayon kay Pangilinan, si Gatchalian na nagsilbing chairman ng Committee on Finance sa ginawang deliberasyon sa kontrobersiyal na 2025 national budget ang nagprotekta sa kaban ng bayan at siniguro na ang pondo ay mapupunta kung saan nararapat.
Giit pa ni Pangilinan na si Gatchalian ay “competent, steady at fair” at mapapag-isa at magdadala ng reporma sa Senado para maging balanse, accountable at acceptable sa iba pang miyembro ng kasalukuyang mayorya kabilang na dito si Senate President Alan Peter Cayetano.
Bukod sa finance committee, pinamunuan din ni Gatchalian ang committees on ways and means, basic education, energy at economic affairs sa loob ng 10 taon sa Senado. ( DARIS JOSE)