• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gobyerno, hindi makikialam sa BARMM polls- OPAPRU 

TINIYAK ng gobyerno na hindi ito makikialam sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Sinabi ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Sec. Mel Senen Sarmiento na ang hakbang ay bahagi ng “self-determination” na ipinagkaloob sa BARMM sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

“Unang-una po, hindi mag-interfere. The very reason na ipinasa CAB, ‘yung hiling ng self-determination ng mga kapatid natin sa BARMM,” ayon kay Sarmiento.

“So, meaning to say, hindi makikialam ang kahit anong ahensya ng gobyerno sa election,” aniya pa rin.

Ipinahayag ito ni Sarmiento bilang tugon sa tanong ukol sa direktiba ni Pangulong Marcos sa OPAPRU hinggil sa BARMM polls.

Ibinahagi ng Kalihim na nakipagpulong ang OPAPRU sa Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang maayos na BARMM elections.

Hinikayat din niya ang mga mamamayan sa BARMM na bumoto ng may karunungan at kaalaman.

“At dagdag, sa aming ginagawa ‘yung panawagan na piliin ‘yung kanilang iboboto sa paparating na eleksyon kasi po parliamentary sila. Hindi lang policymaker, hindi lang po legislator ang iboboto nila,” ani Sarmiento.

“Executive din po siya. Dalawang powers- legislative and executive- na ibibigay sa mga miyembro ng parliament,” dagdag na wika nito.

Ang OPAPRU ang nangasiwa ng implementasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagsilbi bilang legal framework para sa peace process sa Mindanao.

Kabilang na rito ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno at Bangsamoro institutions para sa transisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), pabilisin ang normalization track, at suportahan ang decommissioning at reintegration ng mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatants.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na nasa 9,000 tauhan ng Philippine National Police ang naka-standby para magsilbi sa unang parliamentary elections sa BARMM kung hindi makapaglingkod ang mga guro.

Ang 80-member BARMM parliament ay binubuo ng 40 political parties, 32 parliamentary districts, at 8 sectoral organizations.

Matatandaang, nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12317 na nagtatakda ng bagong petsa ng halalan sa BARMM.

Sa ilalim ng batas, gaganapin ang unang regular na halalan sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026.

Pagsapit ng 2031, isasabay na ang halalan sa BARMM sa pambansa at lokal na eleksyon tuwing ikalawang Lunes ng Mayo, at uulitin ito kada tatlong taon.

Layunin ng batas na ihanay ang halalan sa Bangsamoro sa pambansang iskedyul para sa mas maayos at sabayang proseso ng eleksyon. (Daris Jose)