Impeachment trial ni VP Sara kasado na sa Hulyo 6
- Published on May 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAAARI nang magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, ayon kay Sen. Erwin Tulfo nitong Huwebes.
Sinabi ni Tulfo na may 10 araw para sumagot ang Bise Presidente sa Articles of Impeachment na ipinadala sa kanya kamakalawa samantalang may limang araw naman para tumugon ang prosekusyon o mga kinatawan ng House of Representatives sa trial.
“After 10…calendar days, hindi working days na mag-comply si VP Sara…sasagot yung prosecution na five days. After that, yun na yung mga pre-trial, yung mga marking of pieces of evidence. So we are looking at around talaga na mga July 6 mag-uumpisa na ang ika nga trial,” ani Tulfo sa phone patch interview ng Senate media.
Mas mapapaaga aniya ang trial sa halip na mag-sine die adjournment ang Senado kaya magkakaroon na ng trial bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Hulyo 27, 2026.
Pareho rin aniya ang mangyayari tuwing Martes at Miyerkules kung saan magkakaroon din ng trial. Pero tuwing Huwebes aniya ay walang trial at doon gagawin ang mga committee hearings at magkakaroon din ng sesyon.
“So tuluy-tuloy po. Bale, five days na po ‘yung work natin. Magiging day off lang po ng mga senador tuwing Saturday, Sunday,” sabi pa ni Tulfo.
Tiniyak ni Tulfo na bibigyan ng kopya ang media at isasapubliko ang napagkasunduan ‘kalendaryo’ para sa trial.
Base sa legislative calendar, nakatakda sanang magsimula ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo 6 hanggang Hulyo 26, 2026. ( Daris Jose)