Protektahan ang kabundukan ng Sierra Madre laban sa illegal na pagtotroso, panawagan ng mambabatas
- Published on May 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
BUMISITA ang mga mambabatas sa Northern Sierra Madre Natural Park sa lalawigan ng Isabela sa gitna ng panawagan na protektahan ang kabundukan ng Sierra Madre laban sa illegal na pagtotroso.
Sa pangunguna ni Parañaque Rep. Eric Olivarez, chairman ng House Committee on Government Enterprises and Privatization, nagsagawa ang mga mambabatas ng aerial inspection sa lugar nitong Huwebes.
Kasama ang mga environmental officials at technical stakeholders, lumipad sila sa Sierra Madre para makita ang kondisyon ng mga protected forest areas, watershed systems, biodiversity zones, maging ang mga komunidad na apektado ng illegal logging, deforestation, at climate-related disasters.
Isinagawa ang inspeksyon sa inihain panukala ni Speaker Faustino “Bodjie” Dy III ng Isabela. Sa inihaing House Bill No. 3538, nais ni Dy ang pagtatatag ng Sierra Madre Conservation and Development Authority (SMCDA) upang maprotektahan ang Sierra Madre at sustentuhan ang rehabilitasyon ng rehiyon.
“The Sierra Madre is not just a mountain range. It is our natural defense against calamities, our source of biodiversity, and a lifeline for millions of Filipinos,” pahayag ni Dy.
Sinabi ni Dy na ang kabundukan ng Sierra Madre, na may habang 540 kilometers sa silangan ng Luzon, ay nagsisilbing natural barrier sa mga bagyo na tumatama sa bansa. Halos 40 porsyento ng natitirang kagubatan ng bansa ay matatagpuan sa Sierra Madre, ayon kay Dy.
Sakop ng kabundukan ang 10 lalawigan ng bansa – Cagayan, Isabela, Aurora, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Rizal, Bulacan, Laguna at Quezon – kung saan 50 million Filipinos ang naninirahan.
Sinabi ni Dy na ilang beses na napatunayan na ang kabundukan ng Sierra Madre ang nagpapahina sa mga bagyong tumatama sa rehiyon at naililigtas nito ang milyun- milyong Filipino sa sakuna, kaya marapat lamang na proteksyunan at sustentuhan ang kabundukan. (Vina de Guzman)