PUGANTENG JAPANESE NATIONAL, INARESTO NG BI
- Published on May 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na wanted sa Japan dahil sa kasong panloloko.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang 53-anyos na lalaki na may alyas na “Suk,” na nadakip sa isinagawang operasyon sa kahabaan ng Soriano Ave., Intramuros, Maynila.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa pamumuno ni Chief Rendel Ryan Sy, katuwang ang mga awtoridad mula Japan at ang Philippine National Police.
Si alyas “Suk” ay may warrant of arrest na inilabas ng Fukuoka Summary Court sa Japan noong Pebrero 2026 dahil sa kasong fraud at theft. Ayon sa mga awtoridad ng Japan, kabilang siya sa isang espesyal na grupong kriminal na ilegal na kumukuha ng ATM cards at personal na impormasyon sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga opisyal ng pulisya.
Tinarget umano ng sindikato ang mga mahihinang matatandang biktima at nilinlang ang mga ito upang ibigay ang kanilang banking information sa pamamagitan ng pekeng imbestigasyon ng pulisya, na nagresulta sa hindi awtorisadong pag-withdraw ng aabot sa 100,000 Japanese yen.
“Ayaw nating maging kanlungan ang ating bansa para sa mga international fraudsters na nananamantala sa mga mahihina,” ani Viado.
“Kasunod ng malinaw na mandato ng Pangulo, mahigpit nating isinasara ang ating mga hangganan sa mga indibidwal na umiiwas sa hustisya. Sa pamamagitan ng matagumpay na pakikipagtulungan sa ating international partners, masisiguro nating mahuhuli at maibabalik sa kanilang bansa ang mga pugante upang harapin ang buong puwersa ng batas.”
Batay sa imbestigasyon, unang dumating sa Pilipinas si alyas “Suk” bilang temporary visitor noong 2019. Nagawa niyang ma-convert ang kanyang visa bilang permanent resident noong Abril 2025. Gayunman, ipinaalam ng gobyerno ng Japan sa BI ang kanyang kaso noong Abril 2026, na naging dahilan ng pagsasagawa ng imbestigasyon at kanyang pagkakaaresto. (Gene Adsuara)