• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAGGAWAD NG 392 PABAHAY SA MARAWI CITY

MATAGUMPAY na isinagawa ng National Housing Authority (NHA) Region IX ang paggawad ng 392 yunit ng pabahay, sa ilalim ng Pamayandeg Ranaw Residences sa Dansalan, na matatagpuan sa mga Barangay Kilala and Mipantao-Gadongan, Marawi City, kahapon, Mayo 19, 2026. 

Sa ilalim ng patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangasiwaan ni Region IX Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan ang aktibidad, katuwang si NHA-MSO Deputy Manager Engr. Ali Acbar D. Lomigis. 

Bilang pagkilala sa Marawi Week of Peace ngayong taon, ang mga iginawad na mga pabahay ay pormal na ipinagkaloob sa mga bona fide constituents mula sa apat na barangay sa loob ng reclamation site area ng Marawi City. 

Kung maaalala, ang NHA ay isa sa mga miyembro ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) Subcommittee on Housing, na responsable sa pagbuo ng master development plan, pagpapatupad ng tamang debris management, pagbuo ng imprastraktura sa kalsada, at pagtatayo ng parehong permanenteng at transitory shelter para sa internally displaced persons (IDPs) ng lungsod.

Bilang bahagi ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV)-Marawi Conflict Transitory Shelter Program ng NHA, natapos na ng NHA ang mga proyektong pabahay at na-rehabilitate na nito ang mga pampublikong imprastraktura sa loob ng most affected area (MAA) ng Marawi. 

Dumalo rin sa okasyon sina Marawi City Vice Mayor Atty. Datu Majul Usman Gandamra, Asec. Felix Castro, na kumatawan kay Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation Secretary Nasser Pangandaman Sr., at iba pang opisyal mula sa mga ahensyang nabanggit. 

Ang seremonya ay sumasagisag sa patuloy na pangako ng pamahalaan, sa pangunguna ng NHA, sa peace-building at recovery efforts sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mas ligtas, mas matatag, at mas sustenableng komunidad para sa mga internally displaced na pamilya sa Marawi City. (PAUL JOHN REYES)