• May 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 ENFORCER NA NAKITANG NAGSASALIN NG GASOLINA SA SASAKYAN SA LOOB NG IMPOUNDING AREA, AGAD NA SINUSPINDE

NAG-VIRAL sa social media ang larawan ng dalawang enforcer na nagpapakita umano ng paglilipat ng gasolina mula sa isang lalagyan patungo sa isang puting Mitsubishi Adventure sa loob ng impounding area ng Land Transportation Office (LTO). Dahil dito, lumutang ang mga alegasyon mula sa publiko na maaaring labag sa batas ang naturang aktibidad dahil isinagawa ito sa loob mismo ng impounding area ng ahensya.

Bunsod nito, agad na naglabas ng Show Cause Order ang LTO, sa pamamagitan ng Intelligence and Investigation Division (IID) laban sa dalawang enforcer, kapwa nakatalaga sa Law Enforcement Service (LES) ng LTO Central Office, upang pagpaliwanagin sa naturang insidente.

Sa paunang pagsusuri ng ahensya, nananatiling hindi malinaw ang tunay na layunin ng ginawang paglilipat ng gasolina, kabilang na kung ito ba ay may kaugnayan sa personal na pakinabang o pinansyal na interes. Ngunit kung mapatutunayang hindi awtorisado ang naturang gawain, maaari itong maituring na maling paggamit ng resources ng gobyerno para sa pansariling kapakinabangan at posibleng paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, bukod pa sa kaukulang administratibong pananagutan sa ilalim ng umiiral na Civil Service rules.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, “Walang puwang sa LTO ang anumang uri ng iregularidad, pang-aabuso, o paggamit ng resources ng gobyerno para sa pansariling interes. Agad nating pinakikilos ang ating mga tanggapan upang tiyakin na ang lahat ng alegasyon ay maimbestigahan nang patas at naaayon sa batas.”

Dagdag pa ni Lacanilao na patuloy ang kampanya ng LTO sa pagpapanatili ng integridad, disiplina, at pananagutan sa hanay ng mga kawani nito bilang bahagi ng patuloy na paglilinis sa ahensya.

Hinikayat din ng LTO ang publiko na patuloy na makiisa sa pagbabantay laban sa katiwalian at agarang ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa serbisyo ng pamahalaan. (PAUL JOHN REYES)