ALAB NG BAYAN, FDNY MOVEMENT AT IBA’T IBANG SAMAHAN NAGSAGAWA NG JERICHO MARCH SA SENADO
- Published on May 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ng Filipinos Do Not Yield (FDNY Movement), Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas (LIPI), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER) sa ilalim ng Alab ng Bayan, kasama ang iba’t ibang samahan ng Pro-BBM at mga loyalistang grupo, ang isang mapayapang Jericho March para sa Hustisya sa Senado, araw ng Lunes, May 18, 2026.
Ayon sa grupo, hindi nila maaaring palampasin ang lantaran at garapalang pag-abuso sa kapangyarihan sa loob mismo ng Senado. Sa halip na maging tahanan ng katotohanan at hustisya, ang Senado ay nagamit bilang kanlungan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa at pinatakas upang umiwas sa pananagutan sa sambayanang Pilipino.
“Sa harap ng Senado, muli kaming titindig at mag-aalab upang iparinig ang aming tinig at galit sa kasalukuyang pamunuan nito. Ang Jericho March na ito ay simbolo ng pagkakaisa, kaya’t tumungo kami sa Senado ng Pilipinas sa Lungsod ng Pasay upang manawagan para sa hustisya, katotohanan, at pananagutan” sabi pa ng buong grupo.
“Mariin naming kinokondena ang mga hakbang na nagpapahina sa integridad at kredibilidad ng Senado bilang institusyon ng pananagutan at demokrasya. Sa ilalim ng liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano, binuksan ang pintuan para sa pagharang sa pananagutan at pagbibigay-proteksyon sa mga dapat managot sa batas,
sa halip na isuko si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, pinili ng mga puwersa sa loob ng Senado na magdulot ng kaguluhan upang makatakas sa pananagutan si Sen. Dela Rosa” dagdag pa ng grupo.
Mariin din kinokondena ng grupo si Senador Bato dela Rosa sa kanyang pagtakas sa Senado na nagdulot ng kaguluhan at sa kanyang patuloy na pag-iwas sa batas, at dapat umanong humarap sa taumbayan at harapin ang mga akusasyong ibinabato laban sa kanya at panagutin ang lahat ng tumulong sa kanyang pagtakas sa Senado upang umiwas sa pananagutan.
Kaya’t nanawagan ang buong grupo sa lahat ng senador na agarang i-convene ang impeachment court upang simulan ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte upang lumabas ang katotohanan para sa bayan.
Ayon pa sa grupo, panahon na upang manindigan ang mamamayan at
ipaglaban ang katotohanan para sa bayan. “Hindi kami mananahimik. ALAB NG BAYAN! HUSTISYA PARA SA BAYAN! PATALSIKIN SI CAYETANO, LITISIN SI SARA, AT ARESTUHIN SI BATO!” sigaw ng buong grupo. (PAUL JOHN REYES)