13 katao, na-ospital sa tumagas na ammonia sa Caloocan
- Published on April 30, 2026
- by @peoplesbalita
UMABOT sa 13 katao ang isinugod sa pagamutan matapos makaranas ng hirap sa paghinga sanhi ng nalanghap na masangsang na amoy mula sa tumagas na ammonia sa planta ng yelo sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kabilang sa mga dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang 5-anyos na batang lalaki, isang senior citizen, at dalawang babae, matapos makalanghap ng masangsang na amoy na nagmula sa tumagas na ammonia sa Cristal Ice Plant sa 191 Deparo St. Brgy. 168.
Pansamantala namang dinala sa dalawang evacuation center ang nasa 90 indibiduwal habang isinara rin muna ang daloy ng trapiko sa lugar hangga’t hindi nawawala ang masamang na amoy.
Alas-7:40 ng umaga nang matukoy ng mga tauhan ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinanggagalingan ng singaw kaya kaagad nilang isinara ang barbula (valve), pinatuyo ang tubong dinadaluyan ng ammonia, at naglagay ng mga exhaust fan para tuluyang mawala ang masangsang na amoy.
Naglabas naman ng paalala si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga residente sa lugar na manatili muna sa loob ng kanilang bahay, magsuot ng face mask kung lalabas, at magtungo sa pinakamalapit na health center kung nakaranas ng hirap sa paghinga.
Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang may-ari ng planta at sinabing handa nilang sagutin ang naging pinsala at pagkalooban ng tulong ang mga naapektuhan sa pagtagas ng kemikal.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan, BFP, at City Health Office upang harapin ang isasagawang imbestigasyon at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga residente sa naturang barangay. (Richard Mesa)