• April 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, isinelda sa baril, pagbabanta sa kainuman sa Navotas

BINITBIT sa selda ang 34-anyos na lalaki nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kanyang kainuman makaraan ang mainitang pagtatalo sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 (Illegal Possession of Firearm) ang suspek na residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Pinuela na naganap ang insidente matapos ang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima na si alyas “Boy” habang nag-iinuman umano sa Brgy. NBBN.
Naglabas umano ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima bago pinagbantaan na papatayin kaya sa takot ay tumakbo si ‘Boy’ hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ni Col. Pinuela.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang calibr .38 caliber revolver na kargado ng dalawang bala na walang kaukulang mga dokumento. (Richard Mesa)