KAHALAGAHAN NG PAGBABAKUNA, PINALAKAS NG ISANG KILALANG BOTIKA
- Published on April 30, 2026
- by @peoplesbalita
PINALALAKAS ng Mercury Drug, katuwang ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV), ang kampanya para sa mas malawak na kaalaman at access sa pagbabakuna bilang paggunita sa World Immunization Week.
Ayon sa datos, humigit-kumulang 67 porsiyento ng mga Pilipino ay kabilang sa labor force na sumusuporta sa kanilang mga pamilya at nagpapasigla sa ekonomiya. Gayunman, nananatiling mababa ang vaccination coverage sa bansa dahil sa mga hadlang tulad ng kakulangan sa access, mababang antas ng kaalaman, at gastusing mula sa sariling bulsa.
Binigyang-diin ni PFV Executive Director Dr. Lulu Bravo sa tema na “For Every Generation, Vaccines Work” ay paalala na hindi dapat nagtatapos sa pagkabata ang proteksyon laban sa sakit dahil mahalaga ang pagbabakuna lalo na sa mga nakatatanda.
Samantala, iginiit ni PFV Vice President Bryan Posadas na nananatiling malaking hamon ang kakulangan sa access sa bakuna. Aniya, mahalaga ang pagiging abot-kamay at madaling puntahan ng mga serbisyong pangkalusugan upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.
Sa ganitong konteksto, kinikilala ang mga botika bilang mahalagang bahagi ng pagpapalawak ng access sa bakuna, dahil nagiging bahagi na ito ng pang-araw-araw na pangangalaga sa kalusugan ng publiko.
Ayon kay Mercury Drug Vice President for Merchandising Corazon Lim, ang mga botika ang karaniwang unang pinupuntahan ng mga Pilipino para sa serbisyong pangkalusugan, lalo na sa preventive care.
Dagdag pa niya, napatunayan ang mahalagang papel ng mga botika bilang vaccination hubs noong panahon ng pandemya, kung saan naging mabilis at maginhawa ang pagpapabakuna nang hindi na kailangang pumila nang matagal sa ospital o klinika.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Mercury Drug, katuwang ang PFV, ng in-store vaccination event sa kanilang Shangri-La Mall branch, kasunod ang media roundtable na pinamagatang “Basta Vaxx, Facts Lang.”
Dinaluhan ito ng mga eksperto sa kalusugan at vaccine advocates na nagbahagi ng kanilang karanasan sa kahalagahan ng pagbabakuna sa pagprotekta sa sarili at pamilya.
Hinikayat din nila ang publiko na kumonsulta sa kanilang mga doktor upang malaman ang mga bakunang angkop sa kanilang edad at kalagayan. (Gene Adsuara)