• April 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Halos kalahati sa nasusunog na lumang Navotas landfill, naapula na ang apoy

INIHAYAG ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na umabot na sa halos kalahati ng apektadong lugar sa nasusunog na lumang Navotas Landfill ang naapula na.
Nitong Martes ng umaga, muling ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, kasama si Mayor Tiangco, DENR Secretary Juan Miguel Cuna, Office of Civil Defense (OCD), Ambassador of Japan to the Philippines Kazuya Endo, Minister for Economic Affairs Naobumi Yokota, JICA Philippines Office Chief Representative Baba Takashi, at JICA technical experts ang nasusunog na landfill.
“Nagpapasalamat tayo sa gobyerno ng Japan kasi nabigyan nila tayo ng technical assistance kasi wala talaga tayong experience dito. Hindi biro itong nangyari dito, napakalawak, napakalaki. Ngayon, halos mangangalahati na tayo doon sa napapatay nating area,” ani Dizon.
Ayon kay Mayor Tiangco, mahigit 50 na heavy equipment mula sa DPWH ang kasalukuyang nakatutok sa site upang mapabilis ang operasyon.
Gayunpaman, napagkasunduan ang pagdagdag ng heavy equipment, gaya ng backhoe, bulldozer, dump trucks, at payloaders. Magkakaroon din aniya ng fuel supply onsite at magde-deploy ng LiDAR drone para sa araw-araw na monitoring ng progreso.
Magdadagdag din ng mga operators at ipatutupad ang dalawang shifting schedule upang mapabilis ang operasyon.
Pagdating naman aniya sa air quality, nananatiling “good to fair” ang hangin sa NCR, maliban sa Valenzuela, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) habang patuloy naman ang pagbuti ng sitwasyon sa Obando.
Muli ring, nagpasalamat si Tiangco sa tulong at suporta ng iba’t-ibang ahesya ng gobyerno sa pangunguna ng DPWH at sa JICA technical experts.
“Makakasiguro po kayo na patuloy nating pinapalakas ang ating operasyon, sa tulong ng ating mga katuwang mula sa iba’t ibang ahensya at international partners, upang mas mapabilis ang pag-apula ng sunog”, pahayag niya. (Richard Mesa)