Naloka ang aktres sa ginawa niyang pagsipsip… JOSHUA, binigyang ng 9 na rating si IVANA sa matinding kissing scene
- Published on April 30, 2026
- by @peoplesbalita
MATITINDI na halikan at makapigil-hiningang mga eksena ang handog nina Joshua Garcia at Ivana Alawi sa seryeng “Love is Never Gone” na kung saan tampok ang magagandang tanawin ng Morocco.
Kaya naman sa mediacon after ng screening na ginanap sa Cinema 11 ng Gateway 2, natanong si Ivana sa intimate scene nila ni Joshua.
Grabe! Ang laki ng bibig niya!” pahayag ni Ivana.
Dagdag pa ng aktres, “Bakit natawa ka, totoo naman, eh. Sabi ko, ‘huy, grabe ka namang sumipsip!
“‘Yung lipstick ko nawawala! Magaling siya, 10 ang rating niya, ”
Say naman si Joshua na 9 ang rating ni Ivana sa kissing scene nila.
Kaya maraming nag-react kung bakit 9 lang gayung perfect 10 ang ibinigay sa kanya ni Ivana.
“Para may room for improvement,” sabi ng mahusay aktor.
“Ayyyyyy!” reaksyon ni Ivana.
“Sige-sige, di ba direk Manny P may isa pang kissing scene?”
Dagdag pa ng aktres, “Okay-okay, hindi ko kasi nabuka ang bibig ko ng ganu’n, eh, na-gets ko naman.”
Tinakpan na lang ni Joshua ang mukha dahil sa hiya kaya lalong nagtawanan ang lahat ng nasa sinehan.
Ang “Love is Never Gone” handog ng Dreamscape Entertainment na mapapanood sa Prime Video simula sa May 8.
At kaya rin napa-oo si Ivana sa “Love is Never Gone” ay dahil dream project na ito at kasama pa niya si Joshua at sa Morocco ang shoot dahil Moroccan ang tatay niya.
Anyway, susugal na sina Joshua at Ivana sa mapangahas na pag-ibig para sa kanilang unang tambalan sa inaabangang romance-suspense serye ng ABS-CBN na “Love is Never Gone,” ang unang Filipino series na kinunan sa Morocco.
Gaganap si Joshua bilang si Teo, isang mekaniko at breadwinner na lumipad sa Morocco para maging OFW. Magugulo ang buhay ni Teo nang komprontahin niya si Yana (Ivana), isang miyembro ng ilegal na grupo, matapos nitong nakawin ang kanyang wallet na ginawa lamang nito upang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang inang may sakit.
Mauuwi sa isang delikadong pag-iibigan ang kanilang pagtatagpo sa pag-aakala ni Teo na pinagtaksilan siya ni Yana kaya siya nakulong. Makalipas ang ilang taon at sa pag-uwi ni Teo sa Maynila, muli niyang makikita si Yana pero ibang katauhan na ang gamit nito.
Sa pagpasok nila sa isang mundong puno ng krimen at paghihiganti, matutuklasan ni Teo ang isang mabigat na sakripisyo na nilihim ni Yana na muling susubok sa kanilang pag-iibigan sa kabila ng matinding pagtataksil.
Tampok sa “Love is Never Gone” sina Jameson Blake, Jane Oineza, Michael De Mesa, Epy Quizon, at Dina Bonnevie, kasama sina Fyang Smith, JM Ibarra, JC Alcantara, Rans Rifol, Kiko Matos, Argel Saycon, Heart Ramos, Alex Medina, Benj Manalo, Carlo San Juan, at may special participation nina Ara Mina at Irma Adlawan.
Mula ito sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin, at sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment na nasa likod ng ilang mga hit series ng ABS-CBN tulad ng “Linlang,” “Saving Grace,” “Dirty Linen,” at “The Alibi.”
(ROHN ROMILO)