KAWANI NG BIR HINATULAN NG MONEY LAUNDERING
- Published on April 29, 2026
- by @peoplesbalita
NAHATULAN ng Zamboanga City Regional Trial Court Branch 12 ang isang kawani ng Bureau of Internal Revenue sa Zamboanga City kaugnay ng multiple counts ng money laundering, matapos ang reklamong inihain ng Anti-Money Laundering Council Secretariat.
Napatunayang lumabag sa Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act, kaugnay ng mga kasong bribery at graft ang nahatulan na si BIR Revenue Officer IV Flora Sarau Albao ng Revenue District No. 93A.
Inaresto si Albao sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation noong Mayo 27, 2022 dahil sa umano’y pangingikil ng P500,000, na nagbunsod ng imbestigasyon ng AMLC kung saan nadiskubre ang 36 bank accounts at mga depositong hindi tugma sa kanyang sahod.
Pinatawan ng Korte ng pito hanggang labintatlong taong pagkakakulong ang akusado para sa unang anim na bilang na may multang tig-P3 milyon, at apat hanggang anim na taon para sa natitirang anim na bilang na may multang tig-P1.5 milyon bawat bilang.
Ayon kay Department of Justice Secretary Fredderick A. Vida, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian at money laundering sa hanay ng mga lingkod-bayan. (Gene Adsuara)