• April 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Paghingi ng political asylum, ginagamit ng mga pugante para makaiwas sa pananagutan at responsibilidad-Malakanyang

HINDI lingid sa kaalaman ng Malakanyang na mayroong ilang high profile fugitives ang pilit na nagtatangkang gamitin ang asylum route para makaiwas sa pananagutan at responsibilidad.
Sinabi ni Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ganitong estratehiya ng mga pugante ay matagal ng nasa isip ng Pangulo.
“Dahil iyong iba nating mga pugante ay iyan ang ginagawang last resort para ma-delay ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas. So, hindi magandang pangitain,” ani Castro.
Samantala, sa ulat, ang mga kilalang Filipino na humirit ng asylum at mga dahilan nila ay sina:
*Harry Roque- nagsumite di umano ng kanyang aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands matapos na madawit sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) operations.
*Jeffrey Celiz- isang Sonshine Media Network International host, kinumpirma na umalis ng Pilipinas at nagtungo ng Estados Unidos dahil sa di umano’y harassment na ipinukol sa kanya at sa kanyang pamilya. Si Celiz ay napaulat na nagplanong humingi ng political asylum sa Canada.
*Royina Garma- retired police colonel, idinawit sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naghain ng asylum sa Estados Unidos noong 2024. Naharap din si Garma sa murder complaint sa pagkamatay ni dating PCSO board secretary Wesley Barayug.
*Arnulfo Teves Jr.- humingi ng asylum sa Timor-Leste. Naharap si Teves sa di umano’y pagpatay sa namayapang Negros Oriental governor Roel Degamo at iba pa.
*Jed Mabilog- dating Iloilo City Mayor, nauna nang naisama ng pangalan sa narco-list na may kaugnayan sa drug war ni dating Pangulong Digong Duterte, nag-aplay ng asylum sa Estados Unidos.
*Joma Sison- ang namayapang Communist party of the Philippines founder Jose Maria Sison na nakaira sa The Netherlands ay humingi ng asylum bilang political refugee mula 1987 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Disyembre 2022. (DARIS JOSE)