• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, ikinatuwa ang pagkaka-aresto kay Zaldy Co- Malakanyang

IKINATUWA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkaka-aresto kay Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Prague, Czech Republic.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na itinuturing kasi ng gobyerno na isa sa ‘big fish’ si Zaldy Co sa flood control anomaly.
“Kung ang isang tao po ay may warrant of arrest, fugitive, cancelled ang passport – sino po ang hindi matutuwa na ang isang taong fugitive ay maibabalik sa Pilipinas para managot,” aniya pa rn.
Sa kabilang dako, isang malaking katanungan naman sa Malakanyang ang kahandaan ni Zaldy Co na magsabi ng katotohanan at sinu-sino ang kanyang mga kasama sa maanomalyang flood control projects.
Tinanong kasi si Castro kung gaano kahanda si Pangulong Marcos sa pagkaka-aresto kay Zaldy Co sa Prague, Czech Republic lao pa’t idinawit ng huli ang Chief Executive sa usapin ng maanomalyang flood control projects.
“Ang Pangulo, uulitin po natin, ang siyang nagsimulang magpaimbestiga ng maanomalyang flood control projects. Siya ang naunang magpaimbestiga ng diumanong korupsiyon. Ang Pangulo ay handang makinig sa lahat ng maaaring sabihin ng mga taong involved at dapat na managot sa batas,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, isang magandang balita naman para sa Malakanyang na ang isang pugante ay maibabalik na sa Pilipinas. (Daris Jose)