PRODUKTONG AGRIKULTURAL SA BENGUET, BINILI NI PBBM PARA SUPORTAHAN ANG MGA MAGSASAKA
- Published on April 20, 2026
- by @peoplesbalita
BUMILI si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 20toneladang produktong agrikultural sa dalawang vegetable trading post sa Benguet upang tulungan ang mga magsasakang apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na namili ang Punong Ehekutibo sa pamamagitan ng Tanggapan ng Pangulo, ng iba’t ibang gulay sa kanyang pagbisita sa La Trinidad Vegetable Trading Post at Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC).
“Sa ngayon, si Pangulo mismo ay namili ng mga agri goods mula dito. Seven na bus nga ang pinaglagyan,” ani Laurel.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang mataas na presyo ng gasolina ay nakakaapekto sa paghahatid ng mga ani mula sa kabundukan, partikular sa Mountain Province, na nagdudulot ng problema sa suplay at presyo sa merkado.
Dagdag ni Laurel, ang mga biniling gulay ay dadalhin sa mga komunidad sa Navotas, Caloocan, Malabon, Manila, Pasay, at Quezon City. Ipamamahagi rin ang mga ito sa mga institusyong gaya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Walang Gutom Centers, at ilang bahay-ampunan.
Sinabi rin ni Laurel na ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), ay bumili rin ng produktong agrikultural upang palakasin ang inisyatiba ng Pangulo.
Ang FTI ay nagsisilbing pangunahing hub para sa pagproseso at distribusyon ng pagkain, at tumutulong sa pagpapatatag ng presyo, pagbibigay ng imbakan, at direktang pag-uugnay ng mga magsasaka sa mga mamimili.
Upang higit pang matulungan ang mga magsasaka, inaprubahan ng Pangulo ang kahilingan ng BAPTC na magtayo ng vegetable processing center sa lugar.
Nangako ang Benguet State University na maglalaan ng lupang katabi ng trading center para dito.
“Nangako ako kanina na popondohan ito ngayong taon,” ani Laurel.
Ang pasilidad ay magkakaroon ng mga kagamitan tulad ng dehydrators at freezing units upang mapahaba ang shelf life ng mga gulay gaya ng carrots, broccoli, at bell peppers.
Ang BAPTC ay mahalagang hub na nagtitipon at nagdadala ng mga ani patungong Metro Manila at iba pang pamilihan sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kalakip ang mga gulay mula sa kabundukan gaya ng repolyo, carrots, patatas, lettuce, broccoli, cauliflower, pechay Baguio, Baguio beans, at bell peppers.
Ayon kay Laurel, layunin ng proyekto na magsilbing agaran at pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang post-harvest losses at mapatatag ang suplay.
Inaprubahan din ng Pangulo ang rehabilitasyon ng isang cold storage facility na kasalukuyang hindi nagagamit, na inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan. Magtatayo rin ng karagdagang cold storage unit bilang bahagi ng bagong processing center. (Daris Jose)