• April 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dapat agarang kumilos ang gobyerno para pabalikin si Zaldy Co upang harapin ang mga kaso nito

SA ulat na pagkakadakip kay dating Congressman Zaldy Co, dapat agarang kumilos ang gobyerno na pabalikin ito sa bansa upang harapin ang kinasangkutang kaso nito, ayon kay Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila de Lima nitong Biyernes.
“Dapat harapin na nya ang mga kaso laban sa kanya, panumpaan niya sa tamang forum ‘yung mga alegasyon niya at isiwalat sa mga imbestigasyon ang lahat-lahat ng mga nalalaman niya maging mga ebidensyang meron sya ukol sa maanomalyang flood control projects,” pahayag ni De Lima.

“Pagsabay-sabayin natin ang imbestigasyon sa mga alegasyon na kinasasangkutan nya. Dahil tulad sa impeachment, hindi dapat itengga ang paghahanap ng katotohanan,” dagdag ng kongresista.

Sa parte naman ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, ang pagakakadakip kay Co sa Prague, Czech Republic ay isang “welcome development.”

“Pagkakataon na rin ito ni Co na magpaliwanag at sagutin ang mga alegasyon tungkol sa 2025 budget at maanomalyang flood control projects,” sinabi ni Diokno.
Matatandaan na idinawit ni Co si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ilang opisyales sa mga anomalya sa flood control projects.
Hindi na bumalik ng bansa ang dating Kongresista matapos manawagan si Marcos ng malawakang imbestigasyon sa flood control projects anomaly. Ito ay matapos isiwalat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kabilang si Co sa mga nakinabang at kumita sa mga kickbacks ng mga proyekto nito.
“As the country continues to deal with the consequences of these projects, one thing is clear: hindi nakakalimot ang taumbayan. May this serve as a reminder that the rule of law must apply to all, including those in power and influence,” pahayag ni Diokno.
(Vina de Guzman)