NHA, NAGGAWAD NG 377 BAGONG TAHANAN PARA SA MGA BIKTIMA NG LINDOL
- Published on April 18, 2026
- by @peoplesbalita
PORMAL nang iginawad ng National Housing Authority (NHA), sa pamamagitan ng tanggapan nito sa Region XII, ang 377 na mga yunit ng pabahay sa isinagawang seremonya na ginanap sa Brgy. Magbok, Tulunan, Cotabato.
Sa ilalim ng pamamahala ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan nina NHA Region XII Manager Engr. Zenaida Cabiles at Kidapawan District Manager Joel R. Reintar ang turnover activity para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng lindol sa Mindanao noong 2019.
Ipinatupad sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) ng ahensya, ang proyekto ay mayroong 27.5 sq.m single-detached units na binubuo ng sala, kwarto, kusina, at banyo, gayundin ang linya ng tubig, kuryente, at poso negro.
Itinayo ng NHA ang mga pabahay sa apat (4) na project sites sa loob ng Tulunan, partikular sa mga barangay ng New Caridad (52), Paraiso (140), Batang (63), at Magbok (122). Bilang karagdagang bahagi ng programa sa pag-turnover ng mga susi, namahagi din ang ahensya ng mga sertipiko ng paggawad (Certificates of Award) sa mga kwalipikadong benepisyaryo, na nagsisilbing opisyal na patunay ng kanilang pagtanggap ng mga pabahay.
Bilang kinatawan ni GM Tai, nagpahayag ng pasasalamat si RM Cabiles sa mga stakeholder ng ahensya, habang kinikilala ang matiyagang paghihintay ng mga benepisyaryo sa pagtatapos ng proyekto at pinaalalahanan sila hinggil sa pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng mga yunit ng pabahay.
Ang kaganapan ay dinaluhan din ni Cotabato Province Governor Emmylou “Lala” J. Talino-Mendoza, na kinatawan ni Cotabato 3rd District Board Member Joemar S. Cerebo, Tulunan Municipal Mayor Lee Roy V. Villasor, Office of the Civil Defense (OCD) 12 Director Rodrigo O. Sosmena, mga pangunahing lokal na opisyal, mga empleyado ng NHA at mga katuwang na kontraktor.
Ang NHA, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak ang pagtatayo ng mga de-kalidad at disaster-resilient na mga pabahay sa loob ng mga ligtas na komunidad at malayo sa mga lugar na mapanganib, upang higit pang maisakatuparan ang layunin ng isang Bagong Pilipinas.
(PAUL JOHN REYES)