Sa kabila ng matitinding pagsubok na pinagdaraanan… COCO at JULIA, naniniwala sa muling pagbangon ng ABS-CBN
- Published on April 17, 2026
- by @peoplesbalita
MATAPOS na naglabas ng official statement ang ABS-CBN tungkol sa mga isyung kinasasangkutan ng Lopez family, na may kinalaman sa pagsasara ng network at ‘di makakuha ng bagong prankisa.
Bahagi nga ang statement na iminugkahi ng isang miyembro ng Board of Directors na itigil na ang operasyon ng ABS-CBN nang walang pag-uusap kung paano haharapin ang obligasyon ng kumpanya sa mga tao.
Makikita rin daw sa records na ipinaglaban ng majority ng directors ang patuloy na financial support sa ABS-CBN, sa halip na pagsasara nito, para sa kapakanan ng mga empleyado at retired employees pati na rin ang iba pang stakeholders.
Sa isang joint statement mula sa CMM Production, naglabas ng saloobin ang celebrity couple na sina Coco Martin at Julia Montes, naniniwala sila sa muling pagbangon ng ABS-CBN.
Sa panimula ng naturang statement, “Ang ABS-CBN ay tahanan ng mga pangarap, kuwento at pag-asa ng milyun-milyong Pilipino.
“Sa kabila ng matitinding pagsubok na pinagdaraanan ng ABS-CBN kami ay kasamang lumalaban – hindi lang para sa aming sarili kundi para sa bawat Pilipinong nagtitiwala at patuloy na sumusuporta.”
Dagdag pahayag pa nila, “Sa lahat ng pinagdaraanan ng ating Kapamilya Nerwork palagi tayong makikiisa sa laban at makikiisa sa paninindigan.
“Sa bawat hamon mas lalong tumitibay, at sa bawat pagsubok, mas lalo nating pinanghahawakan ang ating layunin – ang maglingkod, magbigay saya, at maghatid ng kuwento ng bawat Pilipino.
Panghuli ng statement, “Naniniwala kami na muling babangon ang ABS-CBN.
“Maraming salamat sa inyong walang sawang pagmamahal, tiwala, at suporta. Kayo
ang dahilan kung bakit patuloy kaming lumalaban, Kapamilya.”
(ROHN ROMULO)