• April 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Naantalang Motorcycle (MC) Taxi Law, ipapasa na sa Kamara

NANGAKO ang Kamara nitong Miyerkules na ipapasa ang naantalang Motorcycle (MC) Taxi Law kasama ang legal framework kabilang ang mga transport network vehicle services (TNVS).
“Basta ito ang pinapangako namin sa inyo sa harap ng ating mga kasama na sinasabi ni Speaker (Faustino) Bojie Dy na sa kongresong ito tatapusin natin ang batas patungkol sa MC taxi, TNVS para magkaroon na talaga ng katiyakan dyan dahil napakatagal na po nating naghahanap ng katahimikan dyan. ‘Yan po ang isang bagay na talagang itinutulak natin,” pahayag ni House Committee on Ways and Means chairman at Marikina City Rep. Miro Quimbo.
Ito ang ipinangako ni Quimbo habang nagaganap ang pagdinig ng Legislative Energy Action Development (LEAD) Joint Committee kung saan tinatalakay ng mga mambabatas ang krisis sa enerhiya at transportasyon bunsod sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Quimbo, ang pagsasabatas ng MC taxis at TNVS ay kabilang sa mga structural at long-term solutions sa mga sector na matinding tinamaan ng fuel crisis.
Idinagdag naman ni Quezon City Rep. Franz Pumaren, chairman ng House Committee on Transportation, ang MC taxi bill ay nasa final stages na.
“As chairman of the Committee on Transportation, I will give my full assurance na papasa po ‘yan dito sa Kongreso,” sinabi ni Pumaren.
Sa isinagawang pagdinig, nanawagan si MC taxi leader Romeo Godoy Maglunsod sa mga mambabatas na ipasa ang MC Taxi law na aniya, matagal na nakabinbin noong 17th Congress pa.
Ayon kay Maglunsod, patuloy na nalalagay sa alanganin ang mga mahigit 200,000 riders.
Ang panukalang MC Taxi Law ay pagkilala at pag regulate sa mga MC taxis at TNVS bilang isang lehitimong public transportation.
(Vina de Guzman)