• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Imbestigasyon sa pinasabog na planong pagpapatalsik kay PBBM sa puwesto noong 2025, ipinaubaya ng Malakanyang sa NBI

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga kaugnay sa isiniwalat ni Ramil Madriaga laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na di umano’y nagplano ng pagpapatalsik o kahit pagpaslang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.
Si Madriaga ay sinasabing dating bagman ni dating Vice-President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na hindi na bago ang pagbabanta sa buhay ng Pangulo dahil kung matatandaan ay sinimulan ito ni VP Sara at ngayon naman ay Davao Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
“So, hindi na po kailangang mag-utos ng Pangulo para imbestigahan ito. Ang NBI po, kayo po ay nakatalagang mag-imbestiga sa mga ganitong klaseng death threats sa Pangulo at kahit sinumang ordinaryong tao, mayroon po kayong obligasyon na imbestigahan ito,” ang sinabi ni Castro.
Ayon kay Castro, ipinauubaya na nila ang bagay na ito sa NBI dahil mandato ng NBI ang ganitong mga usapin.
Sa kabilang dako, aalamin naman ng Malakanyang ang buong katotohanan ukol sa pinag-usapan nina Madriaga at ng dating Pangulong Duterte.
Inamin ni Castro na wala siyang personal na kaalaman ukol dito at maging ang Pangulo aniya ay walang personal na kaalaman patungkol po dito.
“Ang Pangulo po ay nangampanya sa taumbayan, nangakong maglilingkod sa taumbayan, at nangakong tatapusin ang kanyang termino para sa bayan,” pagtiyak ni Castro.
Sa ulat, inakusahan ni Madriaga si Digong Duterte na umano’y nagplano ng pagpapatalsik o kahit pagpaslang laban kay Ferdinand Marcos Jr. kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.
Inilahad ni Madriaga ang mga alegasyon sa kanyang supplemental affidavit na isinumite sa House Committee on Justice kaugnay ng impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.
Ayon sa kanya, nagkaroon umano ng kasunduan noong Nobyembre 2021 sa pagitan ng kampo nina Marcos at Duterte na boluntaryong bababa sa puwesto ang Pangulo sa 2025 upang magbigay-daan sa pagkapangulo ni VP Sara Duterte.
Sinabi rin ni Madriaga na tinalakay umano ng dating pangulo kasama ang ilang retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines ang iba’t ibang paraan upang mapatalsik si Marcos kung hindi nito tutuparin ang nasabing kasunduan. Kabilang umano sa mga planong ito ang panloob na pagsabotahe sa administrasyon, posibleng impeachment, at iba pang hakbang tulad ng civil disobedience at pag-atake sa Malacañang.
Dagdag pa niya, may mga hakbang din umano upang magdulot ng kaguluhan sa bansa bilang bahagi ng plano para makakuha ng suporta ng militar.
Samantala, itinanggi ng kampo ni Sara Duterte ang mga alegasyon at tinawag itong gawa-gawa lamang at walang sapat na ebidensya, ayon sa kanyang abogado na si Salvador Paolo Panelo Jr. (DARIS JOSE)