MAYOR TIANGCO, PERSONAL NA ININSPEKSYON ANG SITWASYON SA LANDFILL FIRE
- Published on April 16, 2026
- by @peoplesbalita
PERSONAL na bumisita si Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod, sa Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF) para suriin ang aktwal na sitwasyon sa lugar at magbigay ng suporta sa fire-fighting efforts ng interagency task force.
“Ang kaligtasan ng ating mamamayan ang aming pangunahing prayoridad. Tinitiyak namin na lahat ng hakbang ay ginagawa upang agad na makontrol ang sunog at mapanatiling ligtas ang kalidad ng hangin sa ating lungsod at mga karatig-siyudad.” ani Mayor Tiangco.
Aniya, hindi na nag-o-operate ang landfill mula pa noong 2025, pero may mga natirang residual waste na prone sa sunog kapag mainit ang panahon. Naitala rin na hindi ganap na naipatupad ng dating private operator ng landfill ang safe closure at rehabilitation plan na maaaring nakaambag sa insidente.
“At nagkulang nga doon sa pagtatakip ng buhangin dahil maraming gases nga dito at siyempre maraming plastic kaya nagkaroon ng sunog po,” sabi ni mayor. “Bagaman wala ng residenteng nakatira malapit dito, siyempre apektado ng hangin yung ating lungsod at mga karatig-lungsod at ibang munisipyo na malapit dito.”
Mula pa noong weekend, nag-deploy si Mayor Tiangco ng firefighters at emergency personnel upang tutukan at kontrolin ang sunog sa sarado ng tambakan. Binuo din niya ang interagency task force para coordinated ang lahat ng pagkilos ng mga ahensiya at LGUs patungkol sa sunog.
May mga heavy dump trucks ang kasalukuyang nasa sa lugar at inaasahang agad na sisimulan ang pagtatambak ng buhangin dahil dumating na ang barge lulan ang lupang pantambak.
Ang soil cover operations ay itinuturing na mas pangmatagalang solusyon upang tuluyang matigil ang methane combustion sa sanitary landfill.
Patuloy naman ang misting operations gamit ang fire pumps upang mabawasan ang usok at nakipag-ugnayan na rin ang lungsod sa Department of Public Works and Highways upang magsagawa ng site inspection at matukoy ang iba pang mga engineering intervention.
Samantala, nagsagawa ng meeting sina Mayor Tiangco at Obando Mayor Leonardo Valeda kung saan ipinaliwanag niya ang mga hakbang na isinasagawa ng kanyang bunuong inter-agency task force upang mapuksa ang apoy sa NSFL.
Nakatuon ang meeting sa agarang tulong sa mga residente ng apat na barangay sa Obando na direktang naapektuhan ng usok mula sa nasusunog na landfill para tulungan sila ng lungsod ng Navotas sa abot ng makakaya nito.
Bubuksan din ng lungsod ang Navotas City Hospital para sa mga pasyenteng mula sa Obando na nagkasakit o nagkaroon ng fire/smoke-related symptoms at magbibigay ng iba pang karagdagang tulong kabilang na dito ang pamamahagi ng N-95 masks sa mga direktang naapektuhan ng usok.
(Richard Mesa)