PBBM, inatasan ang DMW SECRETARY na personal na i-assess ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan
- Published on March 13, 2026
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na bumiyahe patungong Dubai, United Arab Emirates (UAE), para personal na i-assess ang sitwasyon sa ground at pangasiwaan ang repatriation ng mga Pinoy na nais na umuwi ng bansa sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
“In fact, I know that Secretary Hans Cacdac is taking the flight to Dubai. Ang sabi ko, sumakay siya para makapag-report siya nang mabuti kung ano ba talaga ang sitwasyon doon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa kanya sa New York nang hingan ng tugon ukol sa mga apektadong Pinoy sa labanan.
Sinabi ng Pangulo na ang pagba-byahe sa mga Filipino ay mas madali ngayon kasunod ng pagbubukas ng land border crossings kasama ang UAE at Israel.
Tinuran pa ng Pangulo, isang grupo ng mga Filipino mula sa UAE ay darating sa Pilipinas, mamayang gabi, Marso 11 habang may 16 na Filipino naman mula sa Israel ang darating sa bansa, Marso 12.
“The target date of departure from Fujairah and the UAE is March 13, ETA Manila, gabi ng March 13 or early morning of the 14th,” ang sinabi ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na may dalawang byahe para sa repatriation ang pinaplano kabilang na ang isa mula sa Riyadh, Saudi Arabia at ang isa naman ay mula sa Fujairah sa UAE.
“The government must rely on local authorities in the Middle East to protect and repatriate Filipinos,” ang dagdag na pahayag ng Pangulo.
Aniya pa, nakatatanggap naman ng tulong ang OFWs sa foreign countries dahil sa kanilang magandang pagganap sa tungkulin.
(Daris Jose)