• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱142.8-M HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA SA QUEZON CITY

NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱142.8-M halaga ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang matagumpay na buy-bust operation nitong Marso 11, 2026 sa Quezon City.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 21 kilo ng ilegal na droga, ito ay isang malawakang operasyon ng pagbebenta ng droga na maaaring nagsusuplay ng ilegal na droga sa mga komunidad sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.

Bandang alas-3:10 ng madaling araw, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Special Enforcement Service (SES) at PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) Quezon City District Office, katuwang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group Special Operations Unit-NCR, sa Biak Na Bato, Sto. Domingo, Quezon City.

Naaresto sa operasyon ang dalawang indibidwal na kinilalang sina alyas “Eli”, 28 taong gulang, residente ng Baliwag, Bulacan; at alyas “Rolando”, 42, mula sa Caloocan City.

Nahuli ang mga suspek na nagbebenta ng 500 gramo ng shabu sa isang undercover agent na nagpapanggap na buyer. Nang halughugin ang kanilang sasakyan at mga gamit, natuklasan ang karagdagang 20.5 kilo ng shabu. Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang buy-bust money, isang Toyota Hiace Grandia, iba’t ibang identification card, mga mobile phone at isang digital weighing scale.

“We commend our operating units and partners from the PNP for preventing what could have been a significant volume of illegal drugs from reaching the streets. By removing these drugs from circulation, we have saved countless Filipino lives,” sabi ni PDEA Director General Isagani R. Nerez.

“PDEA will continue to intensify intelligence-driven operations and work closely with partner law enforcement units and the community to ensure that those who profit from the illegal drug trade are brought to justice,” dagdag pa ni PDEA Director General Nerez.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang kakaharaping kaso ng mga suspek. (PAUL JOHN REYES)