GASOLINAHAN, SORPRESANG ININSPEKSYON NI YORME ISKO
- Published on March 13, 2026
- by @peoplesbalita
NAGSAGAWA ng sorpresang inspeksyon si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa isang gasolinahan sa Sta. Cruz, Manila upang tiyakin na sumusunod ang mga fuel retailer sa itinakdang price adjustments ng pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Domagoso, bahagi ang inspeksyon ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na protektahan ang mga mamimili at matiyak na sinusunod ng mga gasolinahan ang mga pinahihintulutang pagbabago sa presyo na itinakda ng Department of Energy.
Nagbabala rin ang alkalde sa mga fuel retailer na posibleng magsamantala sa sitwasyon.
“Hindi ko papayagan ang pang-aabuso at maapektuhan ang consumer,” ani Domagoso, na binigyang-diin na dapat manatiling patas ang mga negosyo sa publiko sa panahon ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Iginiit niya na dapat eksaktong ipatupad ng mga gasolinahan ang aprubadong price adjustments sa pump prices.
“‘Pag tumaas ang dalawang piso, tumaas ang dalawang piso. ‘Pag tumaas ang limang piso, tumaas ang limang piso. At ang kanilang mga metro ay sinusuri. Walang dapat mag-abuso o samantalahin ang sitwasyon,” aniya.
Dagdag pa ng alkalde na patuloy na magbabantay ang pamahalaang lungsod sa mga gasolinahan upang matiyak na tama ang sukat ng mga pump at nasa loob lamang ng pinahihintulutang pagtaas ng presyo ang kanilang singil.
Binigyang-diin din niya na ang pagnenegosyo sa Maynila ay isang pribilehiyo na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan at maaaring bawiin kung ito ay inaabuso.
“Tandaan ninyo: ang pagnenegosyo ay isang pribilehiyo, hindi karapatan. Ito ay pribilehiyong ibinibigay ng inyong city government. Kaya kung kaya naming ibigay, kaya rin naming bawiin,” saad niya.
Isinagawa ang inspeksyon habang naghahanda ang pambansang pamahalaan na magbigay ng tulong pinansyal sa mga driver ng pampublikong transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Domagoso, inatasan ang mga alkalde sa Metro Manila nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto na magsumite ng updated na listahan ng mga transport operator at driver sa kani-kanilang nasasakupan.
Sinabi rin ng alkalde na mahigit 10,000 tricycle drivers sa Maynila ang inaasahang makatatanggap ng ₱5,000 bawat isa sa susunod na linggo sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Kasunod nito, inaasahan ding makatatanggap ng tulong ang mga jeepney driver, taxi operator, TNVS driver, delivery rider, at bus driver sa mga susunod na pagpapalabas ng ayuda. (Gene Adsuara)