Sa gitna ng gulo sa Middle East: Nakatakdang working visit ni PBBM ngayong buwan sa New York, USA tuloy – Malakanyang
- Published on March 3, 2026
- by @peoplesbalita
TULOY pa rin ang naka-iskedyul na working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York, USA mula March 8-11 upang dumalo sa mga high-level meeting ng United Nations.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na gulo sa Gitnang Silangan.
“Sa ngayon, wala pa pong pagbabago sa schedule,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa kabilang dako, kabilang sa magiging agenda ng Pangulo sa working visit nito sa New York, USA ay ang pagdalo sa opening ng 70th session ng Commission on the Status of Women, na tumatalakay sa mga isyu ng gender equality at women empowerment.
Matatandaang, taong 2024 nang muling nahalal ang Pilipinas bilang myembro ng Commission on the Status of Women para sa taong 2025 hanggang 2029, matapos ang naging pamumuno ng bansa sa ika-68 session nito.
Magbibigay din ng talumpati ang Presidente sa isang special session ng UN General Assembly bilang bahagi ng aktibong pakikilahok ng Pilipinas.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa ilang opisyal ng United Nations. (DARIS JOSE)