• March 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top 1 most wanted ng NCRPO, nalambat sa Caloocan

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki na akusado sa patong-patong na panghahalay sa isang menor-de-edad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng 32-anyos na akusado.

Ang akusado ay nakatala umano bilang No. 1 Regional Top Most Wanted Person at No. 1 District Top Most Wanted dahil sa kasong Qualified Rape of a Minor (3 counts), Acts of Lasciviousness (4 counts), at Sexual Assault under Article 266-A(2) in relation to RA 7610.

Katuwang ang mga operatiba ng WSS–Caloocan Police at Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU NCR), ikinasa ng mga operatiba ng NPD Special Operations Unit (DSOU) ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Brgy., 171, ng lungsod.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binibigyang-diin na ang NPD ay nananatiling mapagbantay sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at pagtiyak na ang mga wanted persons ay papanagutin sa ilalim ng batas. (Richard Mesa)